Yakap ng pag-irog, muling sumariwa,
Nagunita sa tampipi ng alaala,
Paraisong nakatago sa sumpa,
Mutya'y taglay ang dalisay na ganda.
...
By: Roland Thirdthe Pacheco
Hastening, marked by magic's trace,
When through the window I first glimpsed your face,
...
Noong dalawampu't isa ng Marso, taong dalawang libo't apat, ay kasiya-siyang isinilang si Roland Thirdthe Valenzuela Pacheco sa baryo ng Poblacion, Abra de Ilog, Probinsiya ng Occidental Mindoro. Bagama't musmos pa lamang ay maagang namulat sa paglikha ng mga makabuluhang sulatin sa larangan ng sariling wikang pambansa, Filipino. Kaakibat nito ay ang kaniyang paghubog sa talentong ipinagkaloob sa kaniya, ang pagsulat ng iba't ibang mga piyesa at matatalinhagang mga tula. Mula noong mga panahong natuto siyang bumasa ng ABAKADA, kasabay ding nahulma ang kakayahang makabuo ng mga salitang may sukat at tugma, kaya naman sa kasalukuyan ay masasabi niyang tunay na nagbunga. Unang siyang tumungtong ng elementarya sa Mababang Paaralan ng Biga at ipinagpatuloy at tinapos ito sa Paaralang Sentral ng Abra de Ilog. Naipagpatuloy niya ang sekundaryang edukasyon sa Mataas na Paaralan ng San Rafael sa parehong bayan pa rin, kung saan higit na nahubog ang kaniyang kakayahan sa pamumuno at nagpamalas ng dedikasyon sa kaniyang pag- aaral. Siya ay nakasama sa mga kumatawan sa paaralan sa larangan ng pagsulat at gamit ang makapangyarihang pluma bilang karikaturista. Nagtapos siyang may mataas na karangalan at pinarangalan bilang salutatoryan. Bagama't bata pa lamang ay mithiin na niyang maging inhinyero, kaya tuwing may pagkakataon na nakararating sa Kamaynilaan, namamangha siya sa iba't ibang mga istruktura at gusali na kaniyang nasilayan, at doon siya nagsimulang mangarap na makapagtapos ng kaniyang pag-aaral sa Maynila. Kaya naman, buong galak siyang sumubok kumuha ng pagsusulit sa pagpasok sa Pamantasan ng Malayong Silangan (Far Eastern University) at kaniya itong naipasa. Natapos niya ang kaniyang sekundaryang edukasyon dito na may mataas ding karangalan. Dagdag pa rito, bunga ng pangarap na maging inhinyero, ipinagpapatuloy niya ang kaniyang pag-aaral sa kolehiyo sa Pamantasan ng Mapua (Mapua University) sa Intramuros, Maynila, at kinuha ang kursong Batsilyer ng Agham sa Inhenyeriyang Sibil (Civil Engineering) at nagkamit ng iskolaship sa Kagawaran ng Agham at Teknolohiya (DOST) . Patuloy siyang nagiging dedikado sa kaniyang pangarap upang maabot ang tunay na tagumpay sa hinaharap sa tulong at suporta na rin ng kaniyang pamilya, mga kaibigan, at mga taong patuloy na naniniwala sa kaniya.)
Sinta Ni Roland Thirdthe Pacheco
Yakap ng pag-irog, muling sumariwa,
Nagunita sa tampipi ng alaala,
Paraisong nakatago sa sumpa,
Mutya'y taglay ang dalisay na ganda.
Sibat sa puso, alab ng pagsinta,
Hangad ang puso ng mithiing dalaga,
Nahahalinang alipin ng hiraya,
Sinag sa damdamin ay pag-asa.
Pusong nakakandado sa gunita,
Susi'y ang balintataw ng bathala,
Kulang ang talinhaga't mga salita,
Upang ukitin ang langit ng ligaya.
Sa pagbubuklod ng dalawang tula,
Hangad ay ikaw lamang sinta,
Kahit pa sa mundo ng kawala,
Tapat na iibigin pa rin kita.