Ang Duyan sa Puno
Madalas makita na si lolo ay namamahinga,
sa Duyang yari sa kupas na abaka.
Malamig ang simoy sa lilim ng punong mangga,
kung todo hilik yakap yakap ang unan niya.
Masarap makita ang ganitong tanawin,
kapag ang nakaraan ko'y gugunitain.
Tinig ni lolo ay madalas maririnig,
sa pangaral na talagang paulit ulit
Masaya talaga, buhay ko'y napakasaya,
ang kamusmusan ko sa piling niya.
Kahit anong gusto, pilit ibibigay,
huwag lang ang apo ay magtampo sa kanya.
Kendi, at maraming mga kakanin
tiyak si lolo ay may bitbit para sa akin
Tubig na malamig at sarsi,
balot naman, kapag sumapit ang gabi.
Anong ligaya kapag may lolong nagmamahal,
kaya nais mo’y oras ay tumagal
Salamat lolo aking inuusal
alam ng Diyos kung gaano kita kamahal
Dapit hapon sa duyan ding iyon,
ang lolo ko'y pumanaw duon.
Di alam dahil sa kamusmusan,
kung ano ang kabuluhan ng kamatayan.
Lumipas ang panahon sa puno ding yaon,
may bagong duyan at ako ang naroon.
May tinig akong narinig, lolo sabay lingon,
si Mika, gerome Ia at Io ay naglalaro duon.
Napabuntung hininga, at aking nadama,
napakaligaya pala kapag Lolo ka na.
Ngayon alam ko, kapag si lolo ay nasa duyan
ang sulyap niya sa akin ay kanyang kaligayahan.
This poem has not been translated into any other language yet.
I would like to translate this poem