Buhay Poem by Catherine Agunat

Buhay

Buhay, sadyang napakaganda mo!
Ikaw ay hindi lang makulay
Kundi mabunga, maragsa, mamusika, maburol at mayabong.

Araw-araw, pinagsisikapan kong ligawan ang 'yong biyaya
Nang tamis ng iyong pagpapala'y matikman
At sa kapritso mong inaasam asam, ako'y pumapailalim at sumasang-ayon.

Sa  mapagpakumbaba at magalang na kaanyuan
Ako'y sumasalimyog sa masidhing kagalakan habang nakasilong sa mga alon ng kababalaghan,
Narito ako sa luklukang iyong pinaglagyan.

Subalit..., gaano man kaberde ang mga tipaklong sa bukirin,
Gaano man kahinog ang mga prambuwesas
Kung sarili ko'y di ko naman kayang ilarawan
Taglay nilang kariktan ay hindi ko masisilayan, ni matitikman

Buhay, sa iyo ay wala akong hinagap
Paano at kanino kita ikukumpara
Kung wala namang makakagawa ng kahit isang pinong balisungsong
Na pwedeng gayahin ng paulit-ulit?

Pinupuri ko ang 'yong pagkamalikhain, pagkamaunawain, pagkamapagbigay, pagkamatuwid, at maging ang handog mong hangganan sa pagiging pantas at dalubhasa.

Kahit kailan ay hindi ko hinangad
Na ika'y sirain, tuksuhin, galitin, kutyain, yamutin at abalahin
Sapagkat bawat pintig ng panahon, kita'y pinagsisikapang handugan ng ngiting mapayapa.

Buhay, hatak hatak ko ang lupihan ng 'yong dahon
Hanggang sa oras na sasabihin mo sa akin
Na panahon na para ako'y mamamahinga at kita na'y lilimutin.

Buhay, ako ay iyong pintakasi!

Tuesday, October 1, 2013
Topic(s) of this poem: life
COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success