Itinala mo man ako sa mga naghihingalo sa kahirapan
Siniraan mo man ako ng mga baluktot na kasinungalingan
Sa matinding kagipitan, ako'y isinadlak ng iyong kagagawan
Ngunit ang muli kong pagbangon, hindi mo mapipigilan
Pag-unlad ko'y iyong matutunghayan.
Kagandahan ko ba'y labis mong kinainggitan
Sapagkat sinalakay mo ako sa malagim na paraan
O sa taglay kong kayamanan
Kaya mo ako paulit-ulit na pinagsamantalahan.
Ikaaangat ko ba'y hindi mo matanggap
At mineral ko'y pilit mong kinulimbat
Nais mo bang makita akong talunan
Yuko ang ulo, balikat lupaypay at mata'y luhaan
Bakit ayaw mo akong lubayan?
Batuhin mo man ako ng mga masasakit na salita
Babangon ako
Gamitan mo man ako ng mapamuksa mong sandata
Babangon ako
Mula sa pang-aapi ng mga katulad mo
Babangon ako
Tungo sa liwanag at pag-asa
Ipagtanggol ang lahi gaya ng ikinasawi ng mga dakila
Ako ang kinabukasan, pag-asa at kaunlaran ng aking panahon
Pilipinas ang pangalan ko
Babangon ako
Babangon ako!
This poem has not been translated into any other language yet.
I would like to translate this poem