Ako ngayo'y nakapiit sa kasalanang 'pag-ibig'.
Ang bilangguan ko'y isang pusong nahahapis.
At ang pagdurusahan ko'y habang buhay na pagtangis.
Sa tulong ng tulang ito, ay tumatakas na pilit.
Ang kasalanang nagawa ko ay tandang-tanda ko pa.
Pinagtangkaan kong nakawin ang pag-ibig ng iba.
Pag-ibig na kung totoo'y parang hindi ko matiyak.
Pag-ibig na sa buhay ko ay siya palang magwawasak.
Ako na ay nagsisisi't kumakatok sa puso mo.
Ang susi kong ginagamit ay pangakong magbabago.
Kalungkutan ang nadama ko nang akin nang mabatid.
Na ang puso mo pala ay mahigpit ang pagkapinid.
At sa halip ang nangyari ako'y iyong ginawaran.
Ng parusang sakdal pait, masahol sa kamatayan.
Diwa mo ang lumilitis, mga labi mo'ng nagsakdal.
At ang hukom na hahatol ay puso mong nasugatan.
Ako ngayon sa Hukuman ng Pag-ibig ay naharap.
At ang aking kasalanan ay akin nang tinatanggap.
Ang parusa na nais ko na sa akin mo'y igawad.
Habang buhay mong ikulong sa puso mong nagpatawad.
This poem has not been translated into any other language yet.
I would like to translate this poem