Ang Puno, Ang Baging At Ang Damo Poem by Pacific Hernandez

Ang Puno, Ang Baging At Ang Damo



Ang sabi ng puno sa mababang damo
Hanggang diyan ka lang ba sa may paanan ko
Tumulad ka sa akin, matikas ang tindig
Kaya kong abutin, mataas na langit

Oo nga, oo nga, sabi nitong baging
Bakit ba hindi ka tumulad sa amin
Mataas ang tindig, malayo ang tingin
Mataas na langit ay kayang abutin

Ayokong sa iyo, puno ay tumulad
Pagkat tanda ko pa ang sabi ng lahat
Kung ano ang taas ng iyong paglipad
Ay siya ring lagapak pag ika'y bumagsak

Sa iyo naman baging, ang masasabi ko
Ayokong parisan ang isang tulad mo
Nakatayo ka nga'y nakasandig lamang
Sa sariling tatag, wala kundi hiram
Sa mundo ng tao'y, dami mong kawangis
Ayaw na mababa, ayaw na maliit
Kahit na sa sanga, kahit na sa siit
Huwag lang matapakan, pilit kumakapit

Muli, ikaw puno, sa 'kin makinig ka
Sa mga tao ay dami mong kapara
Ang mga mahina, ang mga maliit
Sa 'yong kapakanan iyong ginagamit
Meron ka nang dahon ay nanghihiram pa
Ng lilim sa baging, ginagamit mo siya
Para magmukha kang malago't mayabong
Ganoong kokonti lang ang iyong dahon


Lumakas ang hangin, dumating ang unos
Puno ay nabuwal, baging ay nalagot
Sa ilalim ng araw sila ay natuyot
Damo ay buhay pa at sariwang lubos

COMMENTS OF THE POEM
Juneil Sechico 14 October 2008

Tama ang iyong sinabi, Pagiging mapagmataas ay hindi mabuti. Gaano man kataas ang langit, darating ang araw sa lupa'y ito'y hahalik.. Gaano man kataas ang lipad na tagak, Sa lupa ito'y babagsak; Pagpalain ang mapagkukumbaba.. Dahil ito ay ipapataas ng aying Bathala..

1 0 Reply
Ency Bearis 28 September 2008

magandang pakasulat..a nice metaphor of life of who has the endurance... Ency Bearis

1 0 Reply
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success