Sa Likuran Ng Matatamis Na Ngiti Poem by Catherine Agunat

Sa Likuran Ng Matatamis Na Ngiti

Kung bahagyang masulyapan
Makikita mo ang mukhang kay saya
Mukhang parang nag uumapaw sa kaligayahan
Kaaya aya na tila laging masigla

Mga kaibigan ay laging dinadamayan
Pagsaklolo sa kanila'y anumang oras nakahanda
Ipinapadama na laging maaasahan
Kaibigang may paninindigan sa salita't gawa

Maging sa mga ibang tao sa kapaligiran
Tingin ay isang anghel dito sa lupa
Na laging may bitbit na pag-asa't kasiyahan
Sa bawat darating na umaga

Subalit, kung mukha'y masusing pagmasdan
Iyong mababanaag kay panglaw na kaluluwa
Na ang buhay ay puno ng dusa at kalungkutan
Larawan ay mala-payasong nakamaskara

Sa mga sandaling nag-iisa
Hapdi't kirot ng kalooban ay doon na mararamdaman
Tanging hinahangad ng puso'y pagmamahal at pang-uunawa
Sa totoong mundong ginagalawan

Sa likuran ng mga mataamis na ngiti ay nagkukubli
Tinik na sanhi ng masidhing pagdadalamhati
Miserableng buhay ay pilit itinatago
Para mapagtakpan ang damdaming naghihingalo.

COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success