Paano ko uumpisahan
Kwento ng wagas na pagmamahalan
Indayog ng liriko ay walang kapara
Alo'y may hampas ng lambing at pagsinta.
Pag-iibigang nagsimula
Sa batis ng matatalinghagang salita
Linamnam ay umagos sa mayuming kabuuan
Init ay sumiklab sa alindog ng kamusmusan.
Kung kaya sanang susukatin
Handog ng bawat ngiting may hinhin
Kaligayahang aking nadarama
Abot langit ang sikdo ng tuwa.
K'wento ng wagas na pagmamahalan
Sa mga bituin nakaukit ang kapalaran
Awit ay hinulma ng dalawang kaluluwa
Taludtod ay nakasalalay sa Diyos na may akda.
This poem has not been translated into any other language yet.
I would like to translate this poem