Ibang iba tayo sa maraming bagay
Alam namin ito ngunit di mo alam
Naririto kami, di mo nakikita
Hindi kami umiiral sa ‘yong mga mata
Kumakain kami kung merong kakanin
Kumakain ka kung may ganang kumain
Minsan ang uri ng pagkain mo'y naliligaw
Sa aming gusgusin na hapag kainan
Hindi sa grocery o tindahan nanggaling
Kundi sa basurang hinalungkat namin
Pag ikaw nag-shopping sa mga tindahan
Namimili ka pa ng sukat at kulay
Mga mamahalin, maganda ang tatak
Hangga't maari ay signature dapat
Ang sukat at kulay, bale wala sa ‘min
Hindi namimili, kung ano lang ang dumating
Hindi maaring kami pa ay magmaselan
Kung ano'ng mahingi, kung merong magbigay
O kaya'y nahalungkat sa basurahan
Sa ilalim ng tulay kami'y sumisilong
Kaya'y natutulog sa basang kariton
Nahihimbing ka sa bahay mo na mansion
At komportable sa sasakyan mong aircon
Ang suot mo'y lana, ang amin ay maong
Na punit at butas, masansang ang amoy
Ang pera ng bayan iyong kinulimbat
At sa iyong buhay ay nagpapasarap
Ang salaping-bayan na iyong ninakaw
Ay iyong dinidiyos at niluluhuran
Paano pang ikaw ay nakakatulog
Gano'ng ang bayan mo ay naghihikahos
Ang mga retaso, sobra at dishecho
Matapos mong gawin ang iyong palasyo
Ay mga basurang aming tinitipon
Siya naming gamit na pandinding pangbubong
Sa aming tahanang Villa-Barungbarong
Ang mga sobra mo, basura na lamang
Aming pinupulot, sa amin ay yaman
This poem has not been translated into any other language yet.
I would like to translate this poem