Blankong Mundo Poem by Neal Aldrich Paderes (Azriel.)

Blankong Mundo

Puso'y lubos na manhid
Sa bawat oras na sa buwan ay nakamasid
Kalungkutan ay 'di mapigilan
At mga matang wari'y batid, hindi masaksihan

Habang nananghoy ang hangin
Ramdam ko ang ginaw na dumadapo sa akin
Lumbay sa aking puso't isipan ay di maiwaksi
Tila'y mistulang ako'y nasa Mundong blanko at madilim

Nagtatago sa ilalim ng isang takipsilim
Mga mata'y puno ng emosyong makulimlim
Saan ba tutungo ang aking damdamin
Tila'y namumuhay sa panaginip na 'di maamin

Sa bawat ako'y gigising,
Sa aking sarili'y puno ng lihim
Mga gunitang nais kong balikan
Tinatanong sa buhay, ano nga ba ang kabuluhan


Hinihiling ko sa buong kalawakan
Na sana'y ang damdaming ito'y mawakasan
Sana'y sa pag-ikot ng oras ang lahat ay lilipas
Tulad ng bituing walang kupas


Nakatingin sa kalangitan
May mga bagay na nais kong makamtan
Ngunit ito'y malayo sa aking pusong bigo
Mababalik ba ang ngiting may dalang biro

Hindi ko alam kung saan ko sisimulan
Aking buhay ano nga ba ang kahahantungan
Tila'y sa lahat ng bagay ay may pag-aalinlangan
Mababalik pa ba ang dama ng nakaraan

Nais ko sanang madama ang tunay na wangis ng saya
Ngunit ako'y puno ng pangangamba
Pusong tumatangis sa isang mundong blanko
Pakiramda'y puno ng alindasay

Blankong mundo, saan nga ba ang kahahantungan
Ang pusong bilanggo di maitago
Hihinto na sa kalungkutang wakas
At magtatapos ng sambit ay pahimakas.

COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success