Sa Aking Panaginip Poem by Catherine Agunat

Sa Aking Panaginip

Habang ako'y nagliliwaliw sa realidad, napansin ko ang maraming pagbabago sa aking kapaligiran. Ang araw araw na ngiti't bati ng mga kaluluwang umaali aligid ay naglaho na. Ang diwatang laging nauuhaw sa patak ng ulan ay diko na rin nakikita pa.Nagsawa na yata sa kalikasang kanyang kinagigiliwan noon o baka nagtampo na dahil sa hindi makataong gawain ng ilan. Wala na rin akong balita kay Paraluman. Marahil kinandaduhan na niya ang pintuan ng kanyang puso at tuluyang sinarado ang kanyang mahiwagang bintana para manahimik na lang gaya ng pananahimik ng mga palaka habang tigang ang lupa. Kung muling dadalaw si Ulan, maririnig kayang muli ang boses niya?
Ang kabalyero noon na laging naghahandog ng bulaklak kasabay ng kanyang paanyaya na samahan siyang sumakay sa puting ulap upang maglakbay sa alapaap ay hindi na rin nagpaparamdam. Ah, siguro nakahanap na ng seryosong makakasama habang buhay. Buti naman at hindi na siya nag-iisa. Magbabago na rin siguro ang mga liriko ng kanyang mga tula. Sa talinghaga ng kanyang mga berso at sa kinang ng kanyang espadang pang nobela, tiyak isang mala-diyosang binibini ang kanyang nadakma! , yun ay kung tumpak nga ang aking haka-haka.
Dumaan ako sa mundo ng mga adik at ahhh! napakainit ang girian. May nagkakapikunan, nagpapasaringan, at nagkakainggitan habang may mga humihiyaw upang humingi ng saklolo at hustisya. Nakakabingi ang ingay at nakakasakit ng ulo kaya naman agad akong lumayas.
Para muling maaliw at makalimot sa pait ng tunay kung mundo. Kinuha ko ang aking lapis at papel saka lumusong sa pusod ng panaginip.
Sa pusod ng panaginip, lahat ay masigla't masaya. Lambing ng lahat na nilalang ay damang dama. Napakapresko ang simoy ng hangin at ang kaginhawahan ng dampi nito ay nanunoot hanggang sa aking mga pata. Sa tuwing ako'y sisipol nag uunahan sa pag indak ang mga dahon habang sumasaliw sa pagkanta si bakunawa. Sa halimuyak ng mga sari saring bulaklak, para ko na ring naaamoy ang samyo ng mandragona noong panahon ni Jacob. Mga liryo sa lambak ay nakamanghang pagmasdan lalo na sa panahon ng kanilang pamumukadkad. At mga bituin sa langit ay tila ibig magsilaglag upang humalik at tikman ang kakaibang tamis ng kanilang dagta. Naalala ko tuloy kung paano dinamitan ng Diyos si Haring Solomon ng kakaibang karunungan.
Habang naaaliw ako sa lambing ng bawat elemento, nakarinig ako ng mahiwagang musika na ang himig ay tumagos sa kaibuturan ng aking puso. Sinundan ko kung saan nanggagaling at diko namalayang nakarating ako sa lugar na puno ng mga rosas na walang pagkupas. Wow! , kamangha-mangha. Totoong paraiso ang lugar at ang kalsada ay gawa sa ginto. Napapalibutan ng bakod at may labing dalawang tarangkahan na gawa sa iba't ibang mahahalagang bato. Ang labingdalawang tarangkahan marahil ay simbolo ng labingdalawang tribu ng Israel. Walang kapara ang kariktan ng buong paligid. Wala ring gabi o dilim at lalong walang kalungkutang maaaninag.
Ang tubig sa mga ilog nito ay napakalinaw at mala-kristal ang mga buhangin. Napansin kong nagmumula sa santuaryo ng lugar ang himig na hinahanap ko. Habang papalapit ako, lalo akong nabibighani sa tono ng musika. Parang pinagsama samang tunog ng lahat na instrumento ngunit iisa lang ang sinasambit at itinataas. Papasok na sana ako sa pintuan ng santuaryo ng biglang pinukaw ako ng di maipaliwanag na sinag na nagmula sa loob nito. Napaluhod ako habang nakapikit at may nakarinig ako ng boses na nagsasabing ' Anak, hindi pa panahon upang pumasok ka dito at manatili. Kailangan mo nang umalis at bumalik sa iyong mundo. Di bale, malapit na ang aking pagbabalik sa lupa upang paghiwalayin ang mga kambing at mga tupa. Ako ang Dakilang Ako, ang Simula at Wakas at sana sa aking pagbabalik ay nakahanda ka.'
Pagkatapos kong marinig ang boses ay bigla na lang akong itinaboy ng malakas na hangin hanggang sa makalayo ako sa lugar na iyon kasabay ng pagkagising ng aking diwa.
Ah, sobrang napalayo ang imahinasyon ko sa pamamasyal at hindi ko inaasahan ba marating ang lugar ng mga rosas na walang kupas!
Gising na ako, nandito muli sa mundo ng mga mortal, sa daigdig ng tulad mo at tulad ko. Ngunit di mawaglit sa aking isipan ang lahat na narinig ko sa aking panaginip. Sa nalalapit na pagbabalik ng 'Alpha at Omega', ako ba'y nakahanda na? Ikaw kaibigan, handa ka na bang humarap sa Kanya?
Sana ikaw at ako'y hindi kabilang sa mga kambing na tinutukoy Niya.

Saturday, August 10, 2013
Topic(s) of this poem: dream
COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success