Sa Isip Ng Isang Sintu-Sinto Poem by Pacific Hernandez

Sa Isip Ng Isang Sintu-Sinto

Ako no'n ay nakatayo, sa isang tabi ng bangketa
Ang aking sasakyan na dyip, ay aking hinihintay pa
Nang isang batang gusgusin, sa tindahan ay lumapit
May binili, ang bayad ay dyario lamang na ginupit

Ako'y konting naintriga, nagtanong, di nakatiis
Lola, sino po ba iyon, yung batang nanglilimahid
Na ng kendi ay bumili, dyario't papel ang pambayad
Ako lang po'y nagtataka dahil ninyo ay tinanggap

Iyon, anak, ay si Intong, isang batang kulang-kulang
Sa tamang isip ay kapos, dahil kinulang sa buwan
Ngunit kahit na siya'y ganoon, nami'y kinagigiliwan
Pakibigay, pakidala, siya'y aming nauutusan

Sandaling ako'y natigilan, sa sarili'y naglilirip
Kahit sino, kahit ano, sa ibabaw ng daigdig
Maliit man o malaki, meron siyang kabuluhan
Na ng ating Panginoon, itinakda't ibinigay

May binatilyong dumating, perang papel ay pinunit
At saka itinapon d'on sa may kanal na malapit
Batang paslit ay gumanti, ng bote siya ay binato
Kahit hindi tinamaan, reresbak ang binatilyo

Huwag! Huwag Iho! Huwag mo sanang iyan ay gawin
Pagkat ang may kasalana'y walang iba't ikaw na rin
Ang pera niya, kahit dyario't ginupit lamang na papel
Sa isang katulad niya ay kayamanan kung ituring


Sa eksenang ito'y meron tayong mapupulot
Di dapat tawanan ang sa isip ay kapos
Kalagayan nila'y di nila ginusto
Dapat ay tulungan, mas maawa tayo

Friday, September 17, 2010
Topic(s) of this poem: sickness
COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success