Ang Salamangka Poem by Jose 'Pepe' Carrascal

Ang Salamangka

Pakiwari marahil ng panyo ay isa siyang mapalad na ina
Dahil kaya niyang magluwal ng kuneho.
Gayundin marahil ang sumbrerong nangakong magluwal ng ibon.

Ang gilas na yaon ay tumimo sa iyong isipan,
Pati ang mga naglalabo-labong bola na sumasayaw sa ere
Animo’y may kusang walang paltos.

Ang buga ng apoy na tumawid sa alambre ay lumagos sa puso mo. Nagliliyag ang dila niyon sa mga mata mo,
Kawangis ng nakasisilaw na espada matapos gumuhit at hugutin sa lalamunan.

Sadya nga yatang ang tao ay higit na namamangha
Sa kung ano pa ang marahas.

Ngunit habang ika’y nakatingala,
Ang mga kamay ng salamangkero ay malikot at maliksi,
Kumukumpas na parang diyos,
Dahil siya ang buhay at pinag-uugatan ng pagtatanghal na iyon.

Ang totoong salamangka, sa aking pagkukuro,
Ay nagpapamalas ng kagalingan higit kapag lipas na ang ugong ng palakpakan,
Kapag nakababa na ang kurtina ng entablado at patay na ang ilaw.

Dahil doo’y tanging sariling paghinga nya na lamang
Ang nagpapakitang gilas.

1st draft, Unedited
March 10,2007
1033am
C5, nasa biyahe papasok ng opisina

COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Jose 'Pepe' Carrascal

Jose 'Pepe' Carrascal

Sorsogon, Philippines
Close
Error Success