Katatakutan (Horror) Poem by Pacific Hernandez

Katatakutan (Horror)

Noon sa Marikina, sa barrio't saan man
Ay kay dami naming kinatatakutan
Mga lamang-lupa't panggabing nilalang
Multo, kapre, tiyanak, duwende, nuno, asuwang
Barang, mangkukulam, at saka tikbalang
Na di ko mawari kung totoo't tunay
O guniguni at kathang isip lamang

ASUWANG

Sa katatakutan ay una't number one
Ang higit na hayok sa dugo, ang asuwang
Kinatatakutan ng bawat ninuman
Kakilakilabot ang gawa at asal
Iba't-iba'ng uri, iba't-ibang tawag
May asuwang na lakad, may asuwang na lipad
Merong nakikita, kahit gabi'y lantad
Merong hindi kita, may sa-tagabulag

MANANANGGAL (Asuwang na lipad)

Ang manananggal ay uri ng asuwang
Gabi kung lumabas, at sa gabi lamang
Kapag dapit-hapon na at dumidilim
Sariling katawan niya'y hahatiin
Isang kalahati'y bewang hanggang paa
Bewang hanggang ulo'y kalahating isa pa
Kalahating itaas ay magkakapakpak
Pakpak ng paniki at siya'y lilipad
Manananggal ang dito namin ay tawag
Kalahing ibaba ay siyang maiiwan
Naroon magdamag sa loob ng bahay
Habang ang kaputol niya'y lilipad-lipad
Ng babaeng buntis siya ay maghahanap
Sa pawid na bubong siya ay lalapag
At doo'y gagawa ng kaprasong butas
Sa butas ang kanyang dila'y ilalawit
Dilang payat at mahaba, kapara'y sinulid
Hihintayin niyang buntis ay matulog
Sinulid na dila sa puwerta ay ipapasok
Ang katas ng sanggol, kanyang mahihigop
Kapag ang ganoon, nangyari't naganap
Inay' duduguin, sanggol malalaglag
Sanggol na nalaglag ay dapat ilibing
Na di mababaw lang, dapat ay malalim
Kapag mababaw lang ang pagkakataad
Siya ay huhukayin ng asuwang na lakad
Pag manananggal ay sinikatan ng araw
Siya at ang kalahati niya ay mamamatay
Ang mabisang sa kanila pa'y panglaban
Ay sabuyan ng abo ang ang hating katawan
Kapag ang ganoon ay iyong ginanap
Putol niyang katawan, di na maglalapat
Pag siya'y inumaga't nasikatan ng araw
Dalawang hati niya'y tiyak na mamamatay

COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success