Naglahong Pangarap Poem by Catherine Agunat

Naglahong Pangarap

Naglahong pangarap na hindi nakilala
Pagkat sa panaginip lamang nagkita sa mata
Hindi maitatatwa na bitbit man ang pag-asa.
Kung sa paghimbing di sisipot o magpapakita

Sa pagbangon, matutulala man din litong ako.
Kung masusulyapan na sa totoong mundo
Aking kapaligira'y maliwanag at burdado
Sa gabing inumaga, ang ganda'y berdadero

Nang ito ay tuluyan nang nagpahiwatig
Katauhan ko'y nabighani, at wari'y kinilig
Mala dyamanteng makinang, mga dingding ko't sahig
Naging paraiso, ang tingin ko sa daigdig

Pagtanggap sa mga handog, ay di na pinatagal pa
Puso at isipan ipinaubayang lubusan
Buhay sa piling nito'y, sadyang napakasaya
Parang laging nararating, ang alapaap at glorya

Subalit, sa aking langong alaala
Isang araw, kutitap ay hindi na makita
Pati ang anino, bula ang kapara
Ang biglaang paglisan, kislap na nalanta

Hanggang sa isang gabi nang ako'y nahimbing
Dagling nabalisa, sa biglaang pagkagising
Sa aking guni-guni, nagpaalam palihim
Habang ito'y nilalamon, ng liwanag sa dilim

Buhay di maarok, ang taglay na salamangka
Pangarap na kayakap, padaka'y nawala
Kasabihan, ay nagkakatotoo pala
Pangarap na natunghayan, di na muling makikita

Pangarap na nabuo sa mga panaginip
Di na makapa, di na rin masilip
Panaginip para lamang sa pangarap
Tuluyang naglaho sa iisang iglap.

COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success