Ang akala ko noo’y simpleng paghanga
Ang nadarama ng pusong bata at mura
At sapat na ang siya’y makita
Na agad nagdudulot ng sigla’t saya
Sa mga matang nakakahilo ang titig
Sa matamis na ngiting nakakakilig
Sa tainga’y musika ang malambing na tinig
Nagbibigay sigla sa aking daigdig
Maraming taon na hindi nasilayan
Aking akala siya’y nakalimutan
At nabura na sa puso’t isipan
Kasama ang mga alaala ng masayang nakaraan
Ngunit di sinasadyang kami’y pinagtapo
Ako’y natulala’t bumilis pintig ng puso
Hindi akalain may paghanga pang nakatago
Nanatili’t hindi pa naglalaho
Hindi ko mawari kung siya’y may pagtingin
Ang sabi ng iba’y may lihim na damdamin
Ngunit puso ko’y nagdududa baka di seryosohin
Paglaruan lang at ako’y paluhain
May nagsasabing siya’y alangan
Sapagkat ako’y may pinag aralan
Siya’y hindi tapos at may bisyong alam
At may pagkapalikero rin katangian
Ganun man wala akong pakialam
Pagkat ang aki’y paghanga lang naman
Ngunit kalokohang aminin ako’y umaasam
Na tunay na pagtingin ang sa aki’y laan
Nagising isang araw at namulat sa katotohanan
Na sa aming dalawa’y mailap ang kapalaran
Kahit may panghihinayang na naramdaman
Kahibangan ko’y dapat nang wakasan
This poem has not been translated into any other language yet.
I would like to translate this poem
Maganda.... malinis...may konsepto... ang pag-ibig nga naman bakit may basihan? wonderful memories written here... keep on writing